Wednesday, October 04, 2006

MGA DEKADA NG HINAGPIS NI JUAN DE LA CRUZ

(Ang tulang ito ay buhay. Kung gayon ito ay hindi pa nagwawakas. Patuloy itong uusbong hanggang hindi nakakabayad si Juan de la Cruz sa kanyang kasalanan ng pahintulutan niyang paslangin ang Supremo at tulungan ang uring Ilustrado na isuko ang Rebolusyon ng Masa sa mga Amerikano)

Dekada Mil Nuebe Sientos Kuwarenta:

Mga eroplanong Hapon may kataksilang sumalakay at mga bomba hinulog
Bansang Pilipinas nadurog, lubos nawasak mula ilaya hanggang timog
Ganoon din ang silangan at kanluran nalanos: lupa, bundok, dagat at ilog
Sanhi ng digmaang pandaigdig si Jua’y hindi kaalam kung bakit nasangkot.

Sapagkat nilapastangan hindi man kanyang away si Juan ay nakipaglaban
Hindi man handa buong tapang itinaya ang buhay sa Corigedor at Bataan
Ngunit si Hiro sadyang layon ay mandigma at palaganapin ang hukbong hapon
Kaya’t bata at matanda dumanas ng lupit buong Mindanao, Visayas at Luzon.

Upang huwag tuluyang masalanta ang bansa si Jose P. Laurel namagitan
Liderato ng bansang sa utos ni Sam tinakasan ni Quezon ginampanan
Dayuhan ay pinakisamahan habang lihim mga gerilya’y tinutulungan
Kahit sa mata ng maraming Pilipino imahe niya ay taksil sa bayan.

Dalawang bomba-atomika mula Amerika inihulog sa bansang Hapon
Sa dalawang malalaking siyudad ng Nagasaki at Hiroshima natuon
Walang nagawa si Emperor Hirohito at malulupit niyang mga kampon
Baka sa ikatlong pagkakataon daang libong hapong nalusaw maging milyon.

Hukbo ng Amerika dumaong sa Leyte sa pamumuno ni Douglas McArthur
Katakot-takot na bomba pinaulan sa lahat ng lugar na may kuta ng hapon
At tinugis si Heneral Tomuyuki Yamashita katulong sundalong pinoy
Tagumpay si Sam ngunit lanos kabuhayan ni Juan dahil todo alay na tulong.

Pilipinas ay durog ganoon pa man balang mamamayan puno ng pag-asa
Sa ilalim ni Roxas at Quirino unti-unting bumangon ang ekonomiya
Sapagkat pinag-ukulan ng pansin mga durog at wasak na inprastraktura
Gamit ay karampot na salaping bayad ni Sam kay Juan sa likha niyang giyera.

Mga bukirin may palay, gulay, hito, hipon at dalag na sariwa’t sagana
Wala ring pagsasalat sa alagang kambing, baka, baboy at manok na pangtinola
Hindi man gumamit ng lasong pestisidyo’ t kemikal sa pagsasaka ng tumana
Mga bungang kahoy: mangga, sineguwelas at lansones saganang namumunga.

Dekada Mil Nuebe Sientos Singkwenta:

1953, matapos ang termino’t panunungkulan ni Elpidio Quirino
Timon ng bansa ay ipinagkatiwala kay Magsaysay ng masang Pilipino
Tugon ng kampiyon walang takot na pagpapatupad pangmasang proyekto
Adhikang mag-aangat kay Juan labag man sa utos ninomang dayuhang Pilato
Na naudlot ng bumagsak alay ni Sam gamit niyang segunda-manong eroplano.

Sa biglang pagpanaw ni Mambo Magsaysay lubos nagluksa ang bansang Pilipinas
Natigib ng hapis at lungkot pusong inulila ng lingkod na tunay at tapat
Sa una anaki ay tupang sunod-sunuran sa dikta ng ganid na dayuhan
Yaon pala ay sadyang dugong Pinoy at ang puso’y handang ialay sa bayan.

1957, giyang iniwan ni Mambo sinalo’t itinaguyod ni Garcia
Temang “una ang Pilipino” isinulong upang paunlarin ang ekonomiya
Sa Luzon, Visayas at Mindanao produktong Pilipino’y tinangkilik ng balana
Bansang Pilipinas tinitingala at pinanaghilian sa buong Asya.

Ngunit si Sam may binabalak, tama ang hinala ni Laurel, Recto at Tanada
Nagsisimula pa lang umunlad si Juan dahil sa pag-angat ng ekonomiya
Gamit salapi ng IMF-World Bank heto si Uncle Sam dagling nakialam na
Bitbit si Macapagal tulak ang malayang kalakalan para sa Amerika.

Dekada Mil Nuebe Sientos Sisenta:

1961, paglaya ng magsasaka sa haciendero agad isinulong
Ipinangalandakan aniya’y lunas sa suliranin programang land reform
Alay sa magbubukid na daang taon ng api at tiyan ay humpak sa gutom.
Ay kung bakit si Sam at si Hirohito nagdiriwang sa pag-upo ni Cong Dadong.

Hindi naglaon asukal, niyog, troso, mga yamang mineral mula minahan
Daklot-saklit ng Amerika kapalit ay barat at karampot na halaga
Pambili naman ni Juan ng radyo, TV at langis gatong sa kotse’t planta
Na ubod ng mahal, paano naman ‘di bubungisngis si Sam at Hiro sa saya!

1965, bagsak ang ekonomiya’t Pilipino lubos naghihikahos
Programang palpak ni Dadong pinuhunan sa pulitika ng tusong si Marcos
Katulong ang asawang si Imelda mga Pilipino ay napaniwalang lubos
Si Apo ang mesiyang mula sa langit magpapalaya sa bansang nagdarahop.

Ngunit pag-upo ni Apo Ferdie ekonomiyang hilahod tuluyang nalugmok
Mga industriyalista, komersiyante’t propesyonal sama-samang nag-alma
Mga magsasaka sa kabukiran at manggagawa sa pagawaa’y nagkaisa
Maging mga guro sampu ng mga mag-aaral sa hirap ng buhay nag-alsa.

Dekada Mil Nuebe Sientos sitenta:

1972, isang taon bago magtapos ang huling termino ni Marcos
Batas Militar idineklara sa layong poder ni Apo huwag makahulagpos
Mga katunggali sa pulitika at negosyanteng hindi kaanib ginapos
Katulong si kiko Tatad, Joe Almonte, Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos.

Kayamanang dinambong ng mayayamang mangangalakal at industriyalista
Mula sa mga manggagawa na buong buhay inalipin nila at dinusta
Sampu ng malalawak na lupaing halos libingan ng aliping magsasaka
Sinamsam ni Apo Lakay sa ngalan ng Bagong Lipunan at Bagong Demokrasya.

Ngunit batas militar hindi nakabuti ‘pagkat umabuso ang military
Itinikom bibig ng lahat ng mamamayang tumutuligsa kay Apo Ferdie
Ginamit din ito upang mga kalakal, negosyo at lupaing sinamsam
Sa mga kaibigan, kamag-anak, cronies at heneral maipamahagi.

Kung kaya isang salop na bigas dalawampung piso na ay sige pang tumaas
Kilo ng galunggong tatlumpong piso na ang halaga ay sige pang umalagwa
Kaya sanang tisin ng mapagtimping si Juan dela Cruz kung may hanap-buhay sana
Subalit mga pabrika ay nangagsipagsara dahil sa naghihingalong ekonomiya.

Kabukirang lupa’y mataba at sa tubig sagana wala namang suliranin
Maayang klima’y akma sa mga alagang hayop at anomang uri ng tanim
Ang nakapagtataka’y bakit kay baba ng halaga produkto mula bukirin
Gayong para kay Juan dela Cruz lahat ay abot langit ang mahal ng bilihin.

Dekada Mil Nuebe Sientos Otsenta:

Mamamaya’y pila ‘pagkat rasyon ang gasolina gayong OPEC sagana naman
Mangyari mga buwitreng kartel ng kumpanya ng langis tigib kasuwapangan
Sinamantalang lubos bansang Pilipinas noo’y lubhang kapos sa petro-dollars
Leksyon kay Marcos upang ilunsad mini-hydro, geothermal at nuclear power plants.

Ngunit bansa’y walang panustos dahil ekonomiya sa IMF-World Bank bugbog
Ay ano at itong Ministry of Finance sa dalawang ganid muling nanikluhod
Isinangla ang kinabukasan ng mga anak at apo ni Juan de la Cruz
Kaya rebolusyon sumabog si Apo tinraydor mandin ni Enrile at Ramos.

Mga dukhang handang ialay ang buhay mahango lang ang bansa sa kahirapan
Katulad ng mga katipunero ni Andres Bonifacio na handang mamatay
Masang pinoy sa bagong rebolusyon ang ipinain sa tangke ng militar
Ng Prayleng nanggaling sa Villa San Miguel at Guwardia Sibil mula Asingan.

Kaya naman si Lakay Ferdinand kinabog ang dibdib at kinalambre ang tuhod
Maging ang police dog niyang si Favian Ver ‘di kumahol at nabahag ang buntot
Naduwag sa milyon-milyong Pilipino na dumagsa sa EDSA’t nangagsisugod
Kaya’t tumakas sakay sa helicopter katal, nanginginig ang baba sa takot.

At buong bansa’y nagdiwang sa tagumpay ng kahangalang tinawag na EDSA I
Bida sina Sin, Ramos, Enrile, mga pulitiko’t elitistang mayayaman
Iniluklok pa man din ang biyuda ni Ninoy animo ang bansa nagbayad ng utang
Napurnada si Laurel na nasuba at presidensiya kay Cory inialay.

Ang biyuda ayon sa marami kamag-anak incorporated iniluklok agad
Hacienda Luisita na-land reform ngunit sakada ni lupa sa paso walang natanggap
Yamang nakaw ni Apo’y nabawi ngunit ‘di alam kung kaninong bulsa lumagpak
Meralco na ari daw ng bayan ay isinoli kay Lopez ng walang bayad.

Ganoon pa man koryente ay kapos at nanatiling malaking suliranin
Buong Pilipinas mula Luzon, Visayas at Mindanao balot, tigib ng dilim
Rekomendasyon ng Ahensiya ng Enerhiya generator dapat gamitin
Si Aboitiz na hepe ng ahensiya at tindero din tumabo ng mil-de-mil.

Maging ang magpapalay ay pinulong at pinautang ng Land Bank ng sagad
Ngunit palay nahihinog pa lang kolektor nito ay naniningil na ng bayad
Ang pobreng magsasaka ani’y napilitang ibenta hinde pa man gumagapas
Masaklap pa ilang bagyo man ang dumaan interest at penalty walang habas.

Pati ang mga magbababoy nabiktima din nitong mga finance expert kuno
Pinautang ang kooperatibang kinasasapian ng mga ito ng todo
Ang payo ay ipautang ang pera at dagdagan ng interes na dies y otso
Amin ang dose at seis ay inyo at kapag pumalya patong ay dos porsiyento.

Oh! mahabaging diyos ni Bro. Eddie, Kapatid na Eli at Ka Erdie Manalo
Mga pinuno ng LBP kaisipang tila sa lamok ay liwanagin mo
Sapagkat nagtataka at nagtatanong ang maraming magsasakang Pilipino
Puwede ba sa dies y otso ang seis sa LBP ang dose ay sa mga tao?

Sa pangyayari ang masang Pilipinong ipinain sa tangke ay balik-hirap
Kaya galunggong at bigas pangako ni Cory bababa lalo pa ngang tumaas
Dahilan upang junior officers ni Ferdinand sa ilalim ni Gringo nag-alpas
Makailang nilusob ang malakanyang kaya ekonomiya lalong nawaldas.

Dekada Mil Nuebe Sientos Nobenta:

Mil nuebe siyentos nobenta’y dos anim na taon mula iluklok si Corazon
Demokrasya raw ay naibalik na sa Pilipinas kaya muling nag-eleksyon
Nagkasundo si Mitra at Ramos sila ay maghaharap sa isang kombensyon
Sino man ang ideklarang kandidato-opisyal ay tatanggapin ang hatol.

Sapagkat si Monching Mitra, Jr. ay Speaker of the House noong panahong iyon
Popular siya sa mga pulitikong dumalo sa idinaos na pagtitipon
Kaya siya ang napiling isulong at tulungan sa pagka-pangulo ng nasyon
Subalit si Fidel ay tumutol, lumabas ang tunay na kulay pati ambisyon.

Subalit ang lubos na nakapagtataka ay kung bakit si Sin at si Corazon
Ang inindorso itong si Fidel na katulong ni Apo Lakay kay Ninoy nagpakulong
Lalo pang nabigla si Speaker Monching ng ang mga kapanalig sa kongreso
Marami ang bumalimbing at sa dating tuta ni Apo ibinuhos ang tulong.

Sapagkat ang mga negosyante at ang simbahang katoliko todo suporta
Katulong ang gobyerno ni Madam Cory sampu ng mga sosyal at elitista
Ay nahalal ang taksil na kamag-anak na walang galang sa sariling salita
Nilupig si Mitra at Santiago sa halalang ang resulta’y kahina-hinala.

Matapos maiproklamang pangulo agad-agad mga programa binuo
Iniluklok mga kakosang militar sa matataas na posisyon sa gobyerno
Pinaligiran ang sarili ng mga koronel at heneral na retirado
Napuno ng MISTAH ang sibilyang gobyerno kayat anaki kampo ng sundalo.

Kasunod nito ang heneral sa napakaraming sulok ng mundo ay naglakbay
Nangungutang sapagkat walang salapi ang iniwan ni Madam Corazong kaban
Nag-iimbita ng dayuhang mamumuhunan sapagkat pinoy walang puhunan
Ang problema - alok may kasamang libreng buwis pati tubo ginarantiyahan.

At ang nasa ni Fidel natupad – dumating mga kompanya ng elektrisidad
Walang nagawa si Aboitiz kahit pa negosyo niyang generator sumadsad
Sapagkat mga kababayan ni Juan de la Cruz ligaya at tuwa walang pagsidlan
Sa dami ng konstruksiyong ang dala ay trabaho maraming umunlad ang buhay.

Nang malutas ang kakulangan sa koryente pangalawang proyekto inilunsad
Mga kompanya ng telepono’y inimbita maiging komunikasyon ang hangad
Monopolyo nitong Philippine Long Distance Telephone Company dagliang nagayat
Sa maraming telephone companies na inaprub ng congress kay Tabakong rubber stamp.

Hindi pa sapat kaunlarang hangad kaya ibinenta ari-arian ni Juan
Kulang pa raw ang mga inprastrakturang kailangan upang umunlad ang bayan
Kayat libo-libong kilometrong kalsada, mga tulay at daungan binanghay
Dulot ay konstruksiyon at trabaho kaya Pinoy tuloy ang pag-unlad ng buhay.

At mula pagiging kuting ang Pilipinas itinuring na tiger cub ng Asya
Bansang lugmok sa matinding paghihikahos ang ekonomiya ay umalsa
Arkitekto ng pag-unlad si Bert De Ocampo isang batikang ekonomista
Gamit ay modelong pangkaunlaran sa madugas na IMF-World Bank namana.

Sa loob ng humigit-kumulang sa apat na taon buong bansa nanagana
Sapagkat bangko, Bombay at usurero walang takot pautang magpakawala
Dating istambay sa kanto na walang pangkolateral at pambayad kinakana
Mayroon na kunong hanapbuhay kaya animo ang salapi ay bumabaha.

Subalit habang papalapit ang pagtatapos ng panunungkulan ni Tabako
Marahang bumulaga ang hiwaga’t kontrobersiya ng kanyang mga proyekto
Saganang elektrisidad sa simula’y ikinagalak ng masang Pilipino
Pabigat pala sapagkat maanomalya ang kontratang pinasok ng gobyerno.

Dusa ni Juan de la Cruz ang presyo ng koryenteng walang preno ang pag-imbulog
Gobyerno’y inutil sapagkat garantiya ng tubo ito mismo ang nag-alok
Sa mga ganid na mamumuhunang dayuhan at mestiso na layo’y manghuthot
Nalinlang anaki si Tabako o’ baka sinadya upang makapangurakot?

At ang programa sa komunikasyon lumitaw din ang nakatagong kapalpakan
Kung hindi katangahan bakit ilang kompanya may prangkisa sa iisang lugar
Tatlong poste ay magkakatabi, kilo-kilometrong kable nagsasalimbayan
Anong ekonomiks ang ginamit ng congress na basehan at ito’y pinayagan?

Nadagdagan ang dusa ni Juan sa pagtaas ng upa sa telepono ng walang habas
Gobyerno’y inutil sapagkat garantiya ng tubo ito mismo ang nagbasbas
Ang nakapagtataka sa kongreso hindi ito dapat lumusot at lumagpas
Nalinlang kaya ang mga mambabatas o’ sinadya dahilan sa milyong bayad?

Mga pagawaing-bayan nangatapos at kabi-kabila ang inagurasyon
At nakinabang ang mga dayuhang mangangalakal sa kanilang operasyon
Ngunit sila’y libre sa buwis pati kita may pribilehiyo ng repatrasyon
Biglang nahinto sa pag-inog ang gulong ng gobyerno dahil walang tax collection.

Kaya mga pagawaing-bayan na hindi pa natatapos tuluyang nabinbin
Mga hanap-buhay na marami’t ipinagmamalaki biglang naglaho na rin
Ang purchasing power ni Juan de la Cruz bumulusok sapagkat kita ay bitin
Pati ang buwis na siguradong kaltas sa suweldo lahat nilipad ng hangin.

Ang masaklap pa na pangyayari – mga inutang ni Fidel dapat ng bayaran
Dagdag pa ang inutang ni Cory at Marcos na sinisingil ng IMF-World Bank
Ngunit bangkarote ang kabang-bayan at ari-arian ay nabenta nang lahat
Payo ng mga ekonomistang de kampana mangutang upang makapagbayad.

Ano pa’t sa pagtatapos ng panunungkulan ng kaaway na mortal ni Miriam
Ekonomiyang sa buong mundo’y ipinagmalaking umunlad sadsad na naman
Sapagkat mga namumuno prioridad ay sarili hindi kapakanan ng bayan
Kaya ang mahirap lalo pang naghihirap ang mayaman lalo pang yumayaman.

Ay! iginuhit marahil ng tadhana sina Cong Dadong, Marcos, Cory at Ramos
Nakalimbag anaki sa kasaysayan ang panguluhang pangarap ay maabot
Upang si Juan de la Cruz ay isadlak sa kahirapan at pagdusahing lubos
Oh diyos ni Abraham, Solomon at David bakit mo naman ipinahintulot!

Ngunit mayroong kasabihan “ang lahat ng bagay sa mundo ay may katapusan”
Apat na pangulo sa halos apatnapung taon ng panunungkulan nagwakas
Apat na administrasyon na puno ng korapsiyon, abuso at pagwawaldas
Ng tuta, diktador, hipokrita at doble-kara lahat kay Juan nagpahirap.

Mula sa matinding paghihikahos masang Pilipino marahil ay nagising
Nagtatanong hindi ba nagdaang presidente mga iskolar at magagaling?
Wari ay naalimpungatan sa higit dalawang henerasyon ng pagkahimbing
Kaya naman hindi na nagdalawang isip pa na si drop-out Erap ang piliin.

At si De Venecia na ipinagduldulan ni Ramos at kapanalig sa masa
Na pinonduhan pa raw ng mayayamang mangangalakal at industriyalista
Napahiya ng lubos dahil tinambakan ng milyon-milyong boto ni Estrada
Dahil bistado ang nakaraang milyones na behest loan na diskarte’t kartada.

Sa pagluklok ni Erap puro papuri agad ang kanyang natanggap sa balana
Sapagkat sa unang talumpati pa lang sabi niya anomalya ay tapos na
Walang kai-kaibigan, walang kama-kamaganak, palakasan hindi obra
Maging kalibre ng kaniyang kabinete tameme kalaban sa pulitika.

Tulad ng adhikain ni Magsaysay nasa ni Erap iangat ang mahihirap
Sa buong bansa daglian programang “Erap Para sa Mahirap” inilunsad
Ngunit habang ito at ibang programang pangkaunlaran ay ipinatutupad
Nadiskubre ni Kalihim Diokno kabang iniwan ni Fidel sa utang ay sagad.

Sapagkat sa plataporma-de-gobyerno ni Erap ang transparency ay kabilang
Iniulat na ang bansa ay hindi maunlad patunay ang bangkaroteng kaban
Ang pakiusap tayo ay magtipid, gumastos ng tama at iwasang mangutang
Ngunit tutol mga ekonomistang mula UP, Ateneo, Yale, Harvard at La Salle.

Sa pagbunyag ng kabang walang laman premyo ni Diokno at Erap ay upasala
Hindi daw dapat na ibando sapagkat sa imahe ito ay makasisira
Sino pa ang magpapautang sa Pilipinas kung kahit pisong duling ay wala
Ayon sa Makati Business Club ekonomiya ni Juan lalong pang napariwara.

Tama daw ang mangutang kapag gagamitin sa pagpapaunlad ng kabuhayan
Sapagkat turo ni Keynes na kanilang napag-aralan ito ay katotohanan
Con todo suporta naman sa patakarang ito ang ADB-IMF-World Bank
Nakapagtataka utang tayo ng utang hanggang sa ngayon pulubi ang buhay!

Sumunod na binanatan ni Estrada ay mga rebeldeng Muslim sa Mindanao
All-out war ideneklara, atas sa military ay giyerang patay kung patay
Kaya nabawi ang malalawak na lupaing ginawang kampo ng kalaban
Civil Society naman kagyat binansagan siyang walang respeto sa human rights.

Pangatlo sa listahan ang illegal na droga at kidnapping kanyang inupakan
Si Ping Lacson na isa sa mga datihang hatchet man ni Marcos ang inatasan
Tribong Chinoy sa bansa sa pangunguna ni Teresita Ang See nagpalakpakan
Nagngitngit naman ang mga pinuno ng KFR gang na marami ay militar.

Matapos ito pinag-ukulan naman ng pansin ang mga ilegal na sugal
Nasawata ang mga ito maliban sa huweteng na libangan raw ni Rizal
Sapagkat para itong pugitang ang galamay ay mga pulitiko’t militar
Bukod pa sa katotohanang milyon-milyong pinoy ito ang ikinabubuhay.

Subalit desidido ang pangkat ni Erap at ni Ping na tapusin ang huweteng
Kung hindi man mapigil sa kabang-bayan mag-ambag ito ng karampatang buwis
Na sa ngayon ay napupunta lang sa tiwaling pulitiko, militar at pulis
Sa ganoon ay tuloy ang hanapbuhay ng kubrador na walang takot malitis.

At ang pinakamalaking pagkakamali ni Erap at ng kanyang mga kampon
Ay ng ungkatin at busisiin ang Expo-centenial at PEA-Amari Scam
Sapagkat ang kanilang binangga at binanatan ay ang promotor na heneral
Ang kalaban nila ngayon pulitiko, negosyante, elitista at militar.

Sa sunod-sunod na desisyon at aksiyon kaaway ni Erap dumaming lubos
Mga katunggali niyang pulitiko lalong nadagdagan sa halip maubos
Mga kaanib na militar at pulis na protektor ng huweteng tumalikod
Ang Civil Society, si Sin, Fidel, Cory, PCC, MBC lahat bumatikos.

Dekada 2000:

At dito na nagsimula ang kalbaryo at hapis ng administrasyong Estrada
Ang programa niya tanggap man ng masa taliwas sa adhika ng mga elitista
Lubha pang minamalas ang bise pala at pinagkatiwalaan niyang si Gloria
May planong trono’y angkinin kakuntsaba’y mga Insulares na aristokrata.

Si Sin, Fidel, Cory, PCC, MBC, Civil Society at GMA nagkuntsaba
Inakusahan ng imoralidad, korapsiyon at kabobohan si Estrada
Maging si Chavit Singson aminadong huweteng lord at dati niyang kabarkada
Kumambiyo dahil sa binggo two balls na ilulunsad kay Atong mapupunta.

Bintang pa ni gobernor milyong tobacco levy sa COA hindi niya maisulit
Kinamkam ni Erap sampu ng bilyong huweteng payola sa kanya ay sinipsip
Ayon naman kay COA Auditor Chan tobacco levy malaon na niyang kinukulit
Hinde pa presidente si Erap bulto-bulto ni gobernor itong kinukupit.

Maging mga asawa at anak ni Erap ay pinakialaman ng simbahan
Aba bibliya nila’y bayani si Solomon na libo ang kabit na libangan
Maging ang civil society na gawa ay kabalintunahan sa isyu ay sumakay
Moralidad ba ang iwanan ang pamilya at hayaang magkakawindang-windang?

Mga politikong edukado at magagaling daw na kanyang nilampaso sa laban
Nagsanib-lakas upang dangal kunong inilugso ibangon anomang paraan
Ng katunggaling walang pinag-aralan sa labanang maginoo at marangal
Aba’y balik-kasaysayan ang angkan na kay Ka Andres at Procopio nagpapatay!

Balik-kasaysayan din and Biak-na-Bato Convention sa kongreso at senado
Noon ay hinde pinayagang lumuklok ang Supremong mangmang na tubong Tondo
Pinigil ng mga nagsipag-aral sa Espanya mula sa lahing ilustrado
Ngayon pinaluklok ang drop-out mula sa San Juan ngunit nilitis ng senado.

Subalit ng hinde mapatunayan ang mga ibinibintang na kasalanan
Mga hunyangong senador na sa liga ni Arroyo at Pimentel ay kabilang
Nag-akusang hinde patas ang laban, senate majority daw may pinapaboran
Dagdag-akusasyon kasalanan daw ni Erap dahil siya ay nakikialam.

Ang supreme court naman ng Pilipinas animo ay komite sa palarong barangay
Sa pamumuno ni Davide at Panganiban anaki’y bangag na grupong FUNK
Ng magwalk-out ang basketball team nito at iwang nakabitin ang laban
Aba’y sa halip na kastiguhin ang nagkasala kampiyong idenaklara at itinanghal.

Sa pagkumpas ni Davide’y inawit “Hinde nararapat na pangulo si Erap”
Ng orkestra ni Sin, Fidel, Cory, PCC, MBC, Civil Society at GMA
Babalang may panduduro kay Estrada iwan mo ngayon din ang Malacanang
Kung hinde durog ka sa AFP ni Reyes, magic ni Sin at Civil Society ni Madam.

Ang Supreme Court binalaan ni Rene ngunit tinawanan nagmukhang alam ay kapos
Aniya mga akusasyon sa pangulo hayaang sa pamamagitan ng impeachment ay matapos
Huwag hayaang mamayani ang panibagong EDSA sapagkat para itong gulong na iinog
EDSA noon, EDSA ngayon, walang katapusang EDSA may katiyakang susunod.

Subalit hinde napigil ang kahangalang ngayon ay pinangalanang EDSA Dos
Bida’y, Civil Society, MBC, JIL, Bro. Eddie, Sin, Cory, Reyes at Ramos
Pangulong iniluklok si Gloria na ayon sa kanya siya’y pinili ng diyos
Sa pamamagitan ng basbas ng Santo Papa sa Roma kanya pang paghahambog.

Ayon ni Hilario na ewan kung nagsasabi ng totoo o’ nagpapatawa
Ng kanya raw buklatin ang bibliya ang ibinabadya’y iproklama si Gloria
Matalino daw ito, PhD, batikang ekonomista, at relihiyosa
Siyang dapat pagkatiwalaan ng panguluhan sapagkat walang bahid-mantsa.

Sa atas daw ng diyos si Ate Glo ayon kay Davide data iproklama
Kahit nagbakasyon lang ayon kay Hilario ay considered resigned na si Estrada
Desisyong hinamon ni Allan, tanong saan sa konstitusyon ito makikita
Sagot ng Supreme Court ang lisensiya mo bilang abogado suspendido muna.

Matapos maiproklamang pangulo si GMA agad namigay ng premyo
Secretary of Justice si Nani, sa defense si Reyes at ombudsman si Marcelo
Iniluklok si Dinky at ipinuwesto ang mga bata ni Miguel Arroyo
Ang mga posisyon sa gobyerno ginawa ni Gloria na pambayad na tropeo.

At pang-apat na araw pa lang presidente itong si GMA IMPSA inaprub
Maanomalyang kontrata sa administrasyon ni Erap ay hinde nakalusot
Mahimalang napirmahan sa tulong daw ni Hernani ng wala anomang gusot
Ayon naman kay Jimenez sa himala dalawang milyong dolyar kanyang ginastos.

Matapos ito sunod-sunod ang maladambuhalang anomalya ang sumabog
Isa ang Diosdado Macapagal Boulevard sa laki ng gastos bantog na bantog
Katakot-takot na akusasyon kaugnay nito sa Sandigang-bayan idinulog
Subalit may himala ang administrasyong GMA si Marcelo nakatulog.

At ang mga buktot na nawalan ng hanap-kurakot sa pamahalaang Erap
Muling nanagana sa yamang mula sa buwis ni Juan na lubhang naghihirap
Mga buwaya na kapag walang manakaw at madambong sa kabang-bayang sayad
Mapagbigyan lang ang katakawan agad-agad mangungutang sa IMF-World Bank.

Sa ngalan ng pagpapaunlad ng ekonomiya ang kongreso ni De Venecia
Nagpanukala at nagsabatas ng badyet na ang pondo ay sa utang magmumula
Sapagkat mamamayan ay wala ng maiambag na buwis dahil nagdurukha
Habang patuloy naman ang mga opisyal ng pamahalaan sa pananagana.

Kaya tatlong taon pa lang sa panunungkulan si Gloria at kanyang mga kampon
Utang ng Pinoy lumagpas pa sa pinagsamang utang ng tatlong administrasyon
Sa ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan wala namang naibigay at naitulong
Sapagkat ang napakalaking bahagi ng salapi’y nauwi lang sa korapsyon.

Ang huweteng na pinilit noon na gawing legal upang mapagkunan ng buwis
Na pinagmulan ng ilegal na bilyones ni Erap ayon sa bintang ni Chavit
Muling lumitaw at sa buong bansa nanalasa at parang bagyong humagupit
Ayon kay Sandra, RG, at Boy Mayor ang big bosses daw si Mikey, si Iggy at Mike.

Katunayan daw nito si Mikey nagkamal ng milyones sa maikling panahon
Si Iggy na nangungupahan lang naging si Jose Pidal yaman ay milyon-milyon
Ang nakapagtataka nito walang hanapbuhay na pinanggalingan ng yaman
Kung bakit itong ombudsman at maging Bureau of Internal Revenue walang aksyon.

Ngunit sa Kabila ng magkahalong trilyong utang at napakalubhang korapsyon
Ayon sa ekonomista ni Glo tumaas daw ang per capita income ng nasyon
Aba’y nagtatanong ang mamamayan ito ba ay totoo o’ isang ilusyon
Bakit ang mga mahihirap patuloy na nagdarahop at lubhang nagugutom?

May kasabihan ang mga matatanda, “ang baho itago man pilit sisingaw”
Ekonomiyang bagsak kahit itanggi ipagkakanulo ng hirap ng buhay
Kabuhayang lumago kung tunay nakinabang naman ay dati ng mayayaman
Sapagkat programang pang-ekonomiya ni Gloria pabor sa mamumuhunan.

Ngunit nakalimutan yata ng mga mangangalakal at industriyalista
Kapag ang mga manggagawa at magsasaka ay sagad at wala ng magasta
Wala nang bibili sa mga tindahan at produkto ng kanilang mga planta
Sa huli‘y apektado lahat mahihirap man o’ mayayamang aristokrata.

Kaya sa ngayon balana ay nag-aalsa ngunit kanya-kanya ng katuwiran
Tulad noon mga manggagawa at magsasaka dahilan ang hirap ng buhay
Mga mangangalakal at industriyalista naman yaman gusto pang dagdagan
Ang EDSA nagbabanta ngunit mga apo ni Ka Andres ayaw ng makialam.

Paano naman sa nakaraang EDSA na sila ang nakapain sa kalaban
Ang mga nakinabang ay lahing ilustrado, aristokrata at mayayaman
Kaya ang masang Pilipino nadala at tameme na nagbabantay lang ngayon
Dagling sumuko at sa isang sulok nagmumukmok tulad noong unang panahon.

Oh! Juan kay tagal mo ng naghihinagpis ngunit dusa mo’y hinde matatapos
Hanggang utang mo kay Andres at Procopio hinde mo napagbabayarang lubos
Hanggang kataksilan mo sa pagsusuko ng himagsikan ng masa hinde tinutubos
Hanggang Insulares at ilustrados pinapayagan mong gawin kang busabos!

BANGON JUAN DE LA CRUZ (Hatinggabi Na)

PILIPINAS-PINOY (noon, ngayon at bukas)

Bawat sandali ng aking pagmu-muni tuwing nagiisa
Laksa at laksa ang mga nagsasalimbayang ala-ala
Ganoong bilang din ang mga pangitaing nakikita
Ano mang paglilimi at pagbubulay ang isagawa
Yaon at yaon ding ngayon ang bukas na abot ng mata
Tulad din ng kahapon, ngayon, bukas walang naiba.

Si Padre Damaso akala ng tanan matagal ng lumisan
Alalao'y tulad ni Kapitan Tiago laon ng pumanaw
Ngunit magpasyal ka't maglibot sa mga katolikong simbahan
Nandoon siyang nakaliyad at matambok pa rin ang tiyan
Abuloy ng indiyo't peninsulares pinagpipiyestahan
Amot na munti sa mga dukha laksa'y sa papa sa katedral!

Guwardiya sibil naglipana pa rin saan ka man pumaroon
Hindi lang nananampal at nininipa kundi nanganganyon
Muniin, ito ang dahilan at si Bonifacio'y bumangon
At Mauser pinalitan ng M16 saka nanirahan sa Quezon
Nagising maging sina Sultan Kudarat at Raha Humabon
Yaon din walang pagkaka-iba ngayon, bukas at kahapon!

Politikong marangal ay patuloy na nagpapakarangal
Walanghiya'y tuloy sigeng mukha'y pinakakapal
Politikong nangakong balana'y paglilikungkuran
Nangagsabing kapag naluklok 'di magpapayaman
Walang kasawa-sawang magnakaw sa kabang-bayan
Tulad din ng kahapon, ngayon, bukas walang kaib'han.

Sa umaga 'di man bantayan kusang sumisikat ang araw
Upang pagdating ng dapit-hapon kusang mamaalam
Tulad din sa pagdating ng gabi mga bitui'y sumisilay
Upang pagdatal ng malamig na umaga'y kusang maparam
Anaki ay bolang umiinog ng tuloy at walang patlang
Politikong-pinoy wari pumapanaw muling sumisilang.

Mangangalakal sa taksang tubo tuloy ang pagkasugapa
Kahapon, ngayon, bukas, at makalawa ay siya ring gawa
Mga alagad ng batas tungkuling krimen ay masawata
Hari ng kasamaan at lisyang gawa siyang may pakana
Pangyayaring nagdaan sa kasalukuyan ay siya rin nga
Walang maanagag na pagkakaiba kahit na gahibla.

Sa aking muni't malay mulit-muling binabalik-balikan
Mga kilalang taong nangagsiugit ng pamahalaan
Bawat isa'y nangakong paglilingkuran tanang pamayanan
Pangangalagaan sa sangkatauhang buhay at kalusugan
Pagyayamanin para sa balana ang mga kabuhayan
Subalit ngayo'y saklot ang yaman, haring pinaglilingkuran!

Pilit nililimot ngunit paulit-ulit sa ala-ala
Mga mayayamang Pinoy na sa lipunan ay kilala
Sila rin ang mga mangangalakal, lider ng industriya
Buwitreng lumalamon sa laman ng abang manggagawa
Mga bampirang lumalaklak sa dugo ng dukhang magsasaka
Ngayon ay kahapon din, tulad din ng bukas hindi nag-iiba.

Kung magkaganoon ay ano kayang silbi nila sa lupa
Isinisilang lang upang makiraan ng 'di kinukusa
At pamanang iiwan ala-alang bulok para ring wala
'O baka naman pilit lilimutin ng mga naulila
Sa kadahilanang lumisang wala isa mang buting gawa
At kusang nililimot sapagkat hibla mang dangal ay wala!

Malakas pangambang sa dibdib nagpapasikdo't namamahay
Pilit mang limutin ay kusang bumabalik sa balintataw
Isara man ang pinto't bintana ng isipa'y gumigitaw
Babala kayang huling araw hindi malaon ay daratal
Tulad ng ibang lahi at bansa sa mundo ang Pilipinas
Sa mga huling araw kasamaa'y walang makakapantay?

Kung magkaganoon Pinoy siyang naglilo't may kagagawan
Mga panahong hindi nakalilimot ang magpapatunay
Sapagkat isinilang siya, dumaan at binhi'y iniwan
Subalit binhing bunga ay kasamaang walang kaagapay
Nararapat kayang lahi niya ay gapasan at bawasan
Subalit paano pipiliin ang matuwid at marangal?

ANG SOLUSYON

Sanggol pa ang umaga't lambong ng takip-silim nagdaang maghapo'y di pa agnas
Sacadang hikahos, kaluluwang lupaypay sa tubuha'y muli nang nagtatabas
Samantalang nangagpapahingalay ang mga panginoon sa Haciendang malawak
Sa bulak na kutson kay aring matulog hanggang susunod na maghapon at magdamag.

Sa pagka-aba si Juan tumungo sa lansangan dahil hindi na makatiis
Kinalap nangakagapos, aba't dukha, henerasyong hapis at nagigiyagis
Upang sa mga naghaharing-uri iparating and dusa at paghihinagpis
Subalit mga panginoon ay bingi ano man ang gawin ni Juang pagtangis.

Sapagkat daan-daang taon ng pinagsasamantalahan si Juan dela Cruz naglimi
Kung kalayaa'y nasang sidhi sa tubuhan nilalagot tanikalang panali
Sa pabrikang kulungang laon tinatabas ang kadena ilampu mang ulit
Pagkat susi'ng hawak ng naghaharing-uri kailanma'y 'di kusang isusulit!

Napatunayan ng maraming ulit sa mga kasaysayan at panahong marami
Daang saksi mula pa kay Lapu-Lapu at Raha Soliman makapagsasabi
Maging si Jose Rizal, Andres Bonifacio, Ibarra at Simon 'di itatanggi
Kalayaa'y ipinaglaban at 'di ibinigay ng guwardia sibil at prayle.

Tanungin ding lahat sina Miguel Malvar, Leon Kilat at Macario Sakay
Mga bayaning binansagang mga tulisan, bandido at kaaway ng bayan
Ng mga banyagang nang-alipusta at nag-astang haring dapat paglingkuran
Dusa nila'y ikukumpisal ngunit magsasabi ring lumaban ng buong dangal.

Nagkamali noon hanggang ngayo'y nagkakamali pa rin ng muli at muli
Sa paniniwala sa mga salitang matamis mula sa dila ng mga hari
Katuwang ang mga ilustrado na mestisong banyaga sa isip at gawi
Nagpapatulog at nagpapamanhid sa diwa at malay ng dukha't aping uri.

Sa lamig ng gabi'y humayo't maglakbay sa karimlang may gutom na tiisin
'Di ba pagsilang pa lang sikmura'y may hapdi na at kirot dulot ng paninikil
Ngayon sa gulang na sapat laya sa pagka-alipin ay tungkulin mong hanapin
Pagputok ng bukang-liwayway sa sanga ng liwanag solusyon iyong sungkitin.

Sakaling sa paglalakbay mula sa pagpitas ng posyon balakid magkasuson
Alalahanin lang si Magat Salamat, Lapu-lapu, Diego Silang, at Dagohoy
'Di mabilang ang mga pagkakataong sila'y nabalaho ng mahabang panahon
Dahil sa sidhi ng lunggating baya'y lumaya walang nakahadlang sa pag-ahon.

Kung sakali at nanghihina ang kalooban at mayroong pang pag-aalala
At sa dibdib may namamahay na takot sa tagapagmana ng mga banyaga
Alalahanin mga bayani sa katimugang 'di sumuko sa mga kastila
Sa katauhan ni Shariff Kabungsuan, Parmassuri, Sigalo at Siri Kala.

Kapag ang lundong pinakasukdulan ay sadyang ganap ng nalundo at narating
Kapag patuloy ang walang hanggang pagyurak ng mga hari sa dukhang-uri
At ubod itim na ang lambong ng silim upang takpan ang lagim ng paninikil
Kung may dangal na tunay sulong Juan dela Cruz gampanan ang iyong tungkulin!

TAGUMPAY

Balana sa iyo'y naghahanap
'Di mapipigil ngayon at bukas
Lahat ay nagpupumiglas
Tumutugis hanggang wakas.
Subalit laging nakakubli
Sa likod ng ligaya at lungkot
Ngiti kaya at galak
O' luhang sagana sa pagpatak?

Makitid ang pintuan
At madilim ang lagusan
Dulo ba'y saganang sikat ng araw
'O pusikit na karimlan?
Sa mga landas na ligaw
Turo ng engkanto ng layaw
Lagim at takot magkakambal
Matatapang ma'y nagigimbal!

Siphayo't panghihinayang
Sa mga adhikang nawaldas
Kapalit ay lungkot at takot
Nagpapaudlot sa pag-ikot ng buhay!
Ngunit dinggin tinig ng mga pantas
Ngayon at ng panahong lumipas
Lahat nangagpayo:
Iisa ang landas tuwid ma't liko
At sa isip lang dalawa dapat matanto
Sa diwa'y liriping mabuti
At tamang landas isa-puso
Ngayon di'y wakasan ang takot
Lusawin sa apoy
Agam-agam sa puso.

Humayong walang hapis
At may tibay ng loob
Labanan engkanto ng tukso
Upang bahaghari'y maabot,
Kapalara’y bihagin
Ito’y gantimpalang ginto
Tanging sa magigiting dulot!

TAO, SALA NG DIYOS

May uban na ang mga tala't bituin
Ang buwan naman ay lubos ng balbasin
Kalbo na ang mga bundok, gulod, bangin
Araw man ay malamlam at pula na rin.

Kasu-kasua't litid may taglay ng kirot
Sigid, sanhi ng mga araw na nalimot
Hangga ngayon ay hindi lubos matalos
Gawi ng tao mahiwaga ngang lubos.

Tatlong ulit lang dapat lam'nan ang tiyan
Ano't tatlong taon ang pagkaing laan
May silbi ba kayang hatid ang paminggalan
Sa bukas sinong may batid kung daratal?

'Di kaya maigi sa araw ding natapos
Labis sa maghapon sa palad ay kapos
Buong pusong ipamahaging lubos
'Pagkat para sa lahat biyaya ng Diyos!

Marami ng sapa't bukal ang nangatuyot
Karagatan ma'y umurong na sa laot
Dumaratal maging sa tag-araw ang unos
Tag-ulan man may sigid sa init na dulot.

Wala ng panahon mga bagyo at lindol
Maging tag-ula'y natutuyo ang ilog
Bunga ng isip at dunong na baluktot
Gabing susunod taglay kaya'y bangungot?

Tao, isa lang ang katawan ay kung bakit
Isang aparador pang-suot na damit
Mga paang panglakad isa lang pares
Labindalawang terno sapatos na gamit.

Kay daming salat walang sukat isaplot
Sa mga paa walang malay maisuot
Humpak ang tiyan, lubos naghihikahos
Tao ng likhain puso kaya''y 'di kapos?

Pinatag mga burol sampu ng mga gulod
Mga agbang nama'y ginawang bundok
Binakuran mga lawa't maging mga ilog
Ulap kaya bukas 'di mo isusunod?

Lahat ng yamang likas nasang mahablot
Maging papawirin nais mong masakop
Lupa, dagat, kalawakan sinasaklot
Ngunit sa salita ng Diyos ay nagdarahop!

Ng lubos magiba ang mga kabundukan
Matapos mga ilog gawing basurahan
At mga lawa gawing lasong putikan
Bukirin ay inalisan mo ng taniman!

Maging mga tulay, mga sasakyang dagat
Mga sariling likha mo'y 'di nakaligtas
Siya ngayong pinasasabog, binabaklas
Likha mo't likha ng Diyos winawasak!

Tao't halaman pilit pinaghuhugpong
Maging tao't hayop pilit pinagdudugtong
Apaw kaya at walang pagsidlan ang dunong
Kaalaman ba'y ganap ng nahimaton?

Mga nilikhang Diyos siyang may akda
Pilit ginagagap at nasang magawa
Higitan Siya'y kasalanan kaya
O' sala ng Diyos tao'y kanyang nilikha?